Search This Blog

Sunday, September 02, 2018

Aklanon Expressions


Collected and Translated by Alexander de Juan / Photo by Roy G. Escalona /

1. “buaya sa takas” – “buwaya sa pangpang”; mga nangungurakot na opisyal ng gobyerno.
2. “bulig dum-ok” – “tulungang idiin”; isang huwad na pagtulong sa kapwa dahil sa halip sa tulungan itong ibangon ay idinidiin pa ang kapwa sa kapahamakan.
3. “eapit butong” – ang tawag ng mga taong nakatira sa bundok sa mga bahay na itinayong magkakalapit sa isa’t isa.
4. “eutaw nga pamilya” – “nakalutang na pamilya”; isang mayamang pamilya.
5. “gapamueo’t kwarta” – “nagpupulot ng pera”; isang taong walang pakundangan kung gumastos ng pera.
6. “ginahap-an ro trabaho” – “dinadapaan ang trabaho”; isang taong masyadong masipag at kinakaya ang lahat ng gawain nang mag-isa.
7. “haeapiton it buglit” – “sinusumpong ng tae-tae”; isang taong pikon.
8. “hibaeon nga gaba” – maibaong sumpa o malas”; tumutukoy sa hindi pagkakaayos ng isang tao sa malapit nang mamatay na tao at kapag hindi ito nakahingi ng tawad sa kanya ay maaaring madala o mabaon niya ang sama ng loob sa hukay at dadanas ng matinding gaba o sumpa ang naiwan.
9. “hukas it eaeaw” – babang-luksa; ang pagtigil ng pagluluksa pagkatapos ng isang taon.
10. “inasinang kwarta” – tumutukoy sa pera ng mga dati nang mayayaman (old rich) na pamilya dahil sa animo’y hindi maubos-ubos na pera na inimbak na parang tuyo dahil sa ito’y inasinan o nilagyan ng asin.
11. “inunat nga bitos” – “inunat na bulate”; payat.
12. “kaeaha it itsura” – “kawali ang mukha”; isang taong seryoso ang itsura.
13. “kueabos it paead” – sawimpalad.
14. “kueang it sang ilos” – “kulang ng isang sandok”; isang taong baliw.
15. “kumos tae” – “maglamukot ng sariling tae”; isang taong baliw o mulianon (ulyanin).
16. “maadlos nga bayi” – isang babaeng hindi pormal kung kumilos.
17. “mabaho it saeong” – “mabaho ng dagta”; isang taong kulang sa pakikitungo sa kapwa.
18. “maduea ro ueag” – “mawala ang libog”; ang ideya na hayaan na lamang ang isang tao na magpagusto sa anumang nais niyang gawin para mawala ang pananabik niya rito.
19. “maeai’t ginhawa” – “masama ang hininga”; isang masamang tao o masamang espiritu.
20. “maeapit sa euwag” – “malapit sa sandok”; patronage politics o ang mga nabibiyayaan lamang ay yaong malapit sa mga pulitiko.
21. “magduedoe it asin” – “magdildil ng asin”; magdanas ng matinding gutom.
22. “magkilkil sa euwag” – “magngatngat ng sandok”; magdanas ng matinding gutom.
23. “mahumok it ilong” – “malambot ang ilong”; isang taong madaling mapaniwala.
24. “mainit it dapa-dapa” – “mainit ang talampakan”; isang taong mahilig maglakwatsa.
25. “makaeam it alima” – “nakikiliti ang kamay” o katumbas ng Tagalog na sawikaing “malikot ang kamay”; isang magnanakaw o isang taong mahilig kumuha ng gamit na hindi kanya.
26. “makaeam nga babayi” – “nakikiliting babae”; isang malandi o kaladkaring babae.
27. “manipis nga pangita” – “manipis na hanapbuhay”; isang trabahong mababa ang kita.
28. “mapuni-puni it hambae” – mabulaklak na talumpati o matatamis na salita.
29. “matig-a pa sa bakud” – “matigas pa sa singko sentimos”; isang taong kuripot.
30. “matsa einabu ra hambae” – “parang tinaga ang sinabi”; singkahulugan ng “nagdilang-anghel”.
31. “may mansa ro dungog” – katumbas ng Tagalog na “may bahid ang pagkatao”.
32. “nadueaa’t bakud” – “nawalan ng singko sentimos”; pabirong binabanggit sa isang malungkot na tao para ngumiti ito. Karaniwang ganito ang paggamit ng sawikan: “O, ham-a’t matsa nadueaan ka’t ing it bakud kon?” (“O, bakit parang nawalan ka ng singko?”).
33. “nagbahoe ra dueonggan” – “lumaki ang tenga”; pakiramdam ng isang taong pinuri.
34. “nagtaliwan sa pihak nga kinabuhi” – sumakabilang-buhay; euphimism na malimit ginagamit kapag nag-aanunsyo sa radyo ng isang namatay na tao.
35. “nakaagi it lipong” – isang taong namulat sa mga bagay-bagay matapos madaanan ang isang malaking pagsubok sa buhay.
36. “pagmata it kalibutan” – “paggising ng mundo”; pagsapit ng umaga
37. “tagaliog ro problema” – “abot-leeg ang problema”; maraming problemang pinapasan.
38. “tubi pa” – “tubig pa lang”; isang taong di pa handa o nararapat sa isang trabaho o posisyon.
39. “ugabhang da ueo” – isang taong bobo o walang alam; kasinlaki lamang ng isang ugabhang o walang lamang butil ng palay ang utak nito.
40. “utok bulinaw” – isang taong mahina ang ulo; kasinlaki lamang ng isang napakaliit na isdang bulinaw ang utak nito.
Like · ·