I translated the following Hiligaynon, Aklanon, and Kinaray-a Poems into Filipino.
Sulat
Ni Alex C. de los Santos
Isinalin sa Filipino ni Melchor F. Cichon
Inay,
Nabitawan ko ang sulat ninyo nang ibigay sa akin ng kartero
napakabigat pala kahit isang pahina lang
ang napakatingkad na ala-uling na tinta
siguro’y tumagos sa papel
at dumumi sa lamesa ninyo sa kusina
ngunit sa ibaba ng papel
kumupas ang kulay ng ibang kataga
na parang mga isla kung tingnan
hinanap ko kung saan ang Antique
Nay, hindi ko na mabasa ang sulat ninyo
marami pang mga isla
ang nakikita
napuno ang pahina
kung ano ang binabanggit ninyo tungkol kay totoy
at sa aking kapatid
kaawaan sila ng Maykapal
Nay, huwag na ninyo akong sulatan
Huwag na nating pahirapan ang kartero
Magbabawas sa paggamit ng tinta
Para hindi mamantsahan ang lamesa ninyo sa kusina
At ang mga isla
Ay ayaw ko nang makita muli.
ang nagmamahal,
ang inyong anak
Lupa
Ni Ma. Milagros C. Geremia-Lachica
Isinalin sa Filipino ni Melchor F. Cichon
Magbubungkal
Magtatanim
Mag-aabuno
Maghihilamon
Mag-aani
Maglilinas
Magpapahangin
Magbibilad
Magtatahip
Magsasaing
Para malagyan ang
Pinggan ni Nonoy.
Ngunit kanin pa lang ito
Hindi pa kasama nito
Kung papaanong dumakot
Ng dalampasigan upang gumawa
Ng asin na pang-ulam
At sa pinggan ni Nonoy
Muling magkikita
Ang lupa at dalampasigan.
Para Kay Esmeralda,
Anak Ng Aking mga Panaginip
Isinalin sa Filipino ni Melchor F. Cichon
Ngayong araw na ito ang mga salita ko
Ay mga bagong bukadkad na bulaklad ng kalabasa
May katahimikan sa dibdib
Ng bukang liwayway
At sa oras na ito kung saan
Ang mga pangaginip ay namamaluktot pa
Sa pangkuyapit ng madaling araw
Una kitang nakita.
Ito pala ang walang hanggan
Na iduyan kita sa mga bisig ko
At babantayang kita
Sa iyng pagtulog.
Makinig ka anak, sayapag
Ng kalabaw sa dibdib ko
Para sa paglaki mo
Matutuklasan mo ang lakas
Ng ating pag-iisa sa lupa.
Iyan lang ang maiibigay ko
Iyan at mga yong magagandang binhi
Ng ilaw ng iyong mga mata
Kislap ng mga luhang
Itinago ko
At lalo kong itatago
Pagtanda ko, paalalalahanin mo ako
Ng mga umagang kung kailan ang mga damo
Ay yuyuko dahil sa pagpasan ng inggat
Ng mga engkantado ng gabi.
Ngayon, sa tabi ng nanay mo
Pananaginipin ko muli ang pagtulo
Ng ulan sa binungkal na lupa.
Bakit Madilim Ang Gabi, Inay
Ni Melchor F. Cichon
Isinalin sa Filipino ng may-Akda
Inay, bakit madilim ang gabi?
May buwan, Toto, kaya lang may nakatabing na ulap.
Inay, bakit madilim ang gabi?
May bombilya ang mga poste
Kaya lang may brown-out.
Inay, bakit madilim ang gabi?
Sinisindihan ko ang ating kingke,
Kaya lang pinapatay ng hangin.
Inay, bakit madilim ang gabi?
Toto, matulog ka na lang kaya
At baka bukas maaga pa
Sisikat ang araw.
Hindi, Nay, a!
Sisindihan ko muli ang ating kingke.
Isang Handog Kay Arsenia
Ni Arwena Tamayo
Isalin sa Filipino ni Melchor F. Cichnn
Dinalhan kita ng bulaklak
Na may liwanag ng araw
At init ng ngiti
Upang bigyan ng kasiyahan
Ang mga mata mo
Na nalulungkot.
Mga violeta na umuugoy
Sa ihip ng hangin--
Pag-asa ng mga daan
Na hindi pa nararaanan
At mga rosas na kasingpula ng dugo
Ngunit madaling malaya.
A, alam ko rin kung papaano
Magkapira-piraso ng isang libong bahagi
At magdamdam ng kirot
Ng pagkakatalo.
Kung ang Pasahero’y Ihing-ihi na at Hindi na Mapigilan
Ni Alexander C. de Juan
Isinalin sa Filipino ni Melchor F. Cichon
Kung ang pasahero’y ihing-ihi na at hindi na mapigilan
Na nakasakay sa dyip na pangmalayo ang byahe
Hihintayin niya na may bababa at magtatanong
Sa drayber kung pwede siyang umihi.
Kung ang pasahero’y lalaki,
Siya’y pinapayagan ng drayber
Dahil alam niya
Na ang lalaki’y pwedeng umihi sa gulong ng dyip.
Kung ang pasahero’y babae,
Binibingihan lang siya ng drayber
Dahil alam niya
Na ang babae ay hindi makakaihi sa kariton ng dyip.